Hindi rin napagbigyan ng mga taong kilala kong may access kay Ms. Aunor at sa pamunuan ng TV 5 (ang agresibong tv station na nag-offer ng konkretong proyekto kay ate Guy sa tulong ni Kuya Germs) ang kahilingan na makapasok sa press conference sa Shangrila kaya wala akong nai-publish na malinaw na litrato ng Superstar. Ganoon kahigpit ang mga tao sa paligid ni Ms. Nora Aunor ngayon, at batay sa 'magulong' litrato na nasa itaas, masasabing ang paghihigpit na ito ay para na rin sa kabutihan at seguridad ng nagbabalik na bituin na dinudumog pa rin ng mga tao hanggang ngayon.
Pero dahil ang focus naman ng blog na ito ay "star value analysis" at "pop media strategy", mas mahalaga sa research ko ang mga impormasyon tungkol sa kung ano ang mga susunod na hakbang at mabubuong mga proyekto ni Ms. Aunor sa pagkakataong ito na muli niyang pinasisigla ang kanyang karera. Kaya ang mga litrato niya mismo, kahit totoong mas interesante sana na mayroon, ay pwede na rin wala kung pahirapan talaga ang pagkuha lalo na't bago ang konsepto ng blog na ito para sa maraming tao sa lokal na industriya (pero karaniwan na sa Hollywood kung saan higit na "professionalized", "structured" at "systematic" ang takbo ng industriya).
Ang ganitong pagtaya ko sa takbo ng industriya ang dahilan na rin kung bakit hindi na ako nagtaka nang kahapon ay mabilis na kumalat at pinag-usapan sa internet ang susunod na larawan...
...ang Superstar kasama sina Mr. Jose Mari Abacan at Atty. Annette Gozon-Abrogar sa bakuran ng GMA Network. Suot ni Ms. Aunor ang jacket at hawak ang "fan sign" para sa pelikulang "Tween Academy Class of 2012" na produksyon ng GMA Films.
Bukod sa pagiging Vice President for Programming ng nasabing tv network, si Mr. Abacan ay producer rin ng GMA Films sa ilalim ng pamumuno ni Atty. Gozon-Abrogar.
Ang unang reaksyon ko sa pagkakita sa litrato- Hindi flattering ang kuha ng photographer kay Ms. Aunor. Malayo sa mga lumabas na litrato niya sa presscon na ibinigay ng TV5. Sa mga kuha sa presscon na nakita ko rin online, 'grand dame' ang dating niya kumbaga samantalang sa unang litrato na inilabas ng PEP.PH, mukhang asiwa o napipilitan lang ang Superstar, among other things.
Bilang isang screenwriter, alam na alam ko na totoo ang isang gasgas na kasabihan, 'a picture speaks a thousand words.' Dadagdagan ko lang ng ganito -
"While a picture does speak a thousand words, what these words will actually say will depend mainly on who is looking at the picture."
Isa pang punto na pwedeng makuha sa pangyayaring ito ay --- "Kapag pangit ang larawan, natural lang na pangit din ang interpretasyon. Pero kapag maayos ang larawan, mahirap itong gawan ng pangit na interpretasyon."
Dahil dating nakatrabaho ko si Mr. Abacan (bilang producer ng ilang shows sa GMA 7 na pinagsulatan ko noon), nagpadala ako ng maituturing na "concerned text message" sa kanya tungkol sa "impact" ng dalawang (2) litrato niya (w/ Nora Aunor) na naka-publish at mainit na pinag-uusapan sa PEP.PH. Hindi na ako nagdalawang isip tutal magkakilala kami at hindi naman ako empleyado ng GMA 7 so "walang mawawala" sa akin, kumbaga.
Di nagtagal, tumawag si kuya Joey (Abacan) at ang bungad niya sa akin sa telepono- 'Ramon, ano ba
'yung pinadala mong text sa akin? Kasama ka na ba sa mga haters ko ngayon?' Tonong nagbibiro naman si kuya Joey kaya natawa na lang ako bago ko siya sinagot - "Hindi mo ako hater, kuya Joey. Concerned lang ako." "Hindi mo kasi alam ang buong kwento, Ramon", sagot ni Mr. Abacan.
At nagtuluy-tuloy na ang kwentuhan namin. Sa kabila ng 'kontrobersya', magaan ang "mood" ng usapan at may mga sinabi siya sa amin na gusto rin daw niyang malaman ng publiko, lalo na ng mga nakapaligid sa Superstar at ng mga solid Noranians.
"Noranian din ako!", bulalas ni Mr. Abacan.
Nababasa niya ang mga pabor at mga kontrang komento ng mga tao tungkol sa mga litrato nila ng Superstar. Nakarating din daw sa kanya ang diumano'y reaksyon ng ilan sa TV5. Pero ang mas inisip raw niya ay kung ano ang naging reaksyon ni ate Guy sa isyu.
"Kanina lang magka-usap kami (ni ate Guy) sa telefono. Ang sabi niya sa akin, wala raw akong dapat ipag-alala kasi "anak-anakan" ako ni kuya Germs kaya mahal din niya ako. 'Yung ginawa raw niya (pagpayag na isuot ang jacket at hawakan ang fan sign) ay bukal sa loob niya kasi hindi raw siya nakakalimot. At dahil sa sinabi niyang 'yon, Ramon, NAGBALIK ang pagka-NORANIAN ko! Noranian na uli ako FOREVER!"
Ano ba ang naging atmosphere sa opisina niya nang dumalaw ang Superstar?
"Nagkagulo ang buong 7th floor! Kahit 'yung mga tao sa ibang department, nagsipasukan sa opisina ko at gustong magpa-picture. Pati 'yung guard!"
Ano naman ang reaksyon niya mismo nang makita niya si Ms. Nora Aunor?
"Matatawa ka.", pasintabi ni kuya Joey. "...kasi NAGTITILI ako! Sabi ko, 'ate Guuuyyyyy!' tapos niyakap ko siya!"
Bakit ganuon ang reaksyon niya? Hindi ba niya naisip na network executive siya?
"Ramon, kapag nasa harapan mo na si ate Guy at wala kang ginawa, ang bobo mo na. Seryoso, siya lang ang nakita kong artista na ganun...'yung para siyang TAONG MAY MAGNET. Hindi pwedeng hindi mo siya pansinin. Marami akong nakikitang malalaking artista pero hindi ako nagpapalitrato. Pero kay ate Guy, hindi pwedeng HINDI."
Paano 'yung mga negatibong reaksyon sa dalawang litrato nila ni ate Guy?
"Kasi naman, 'yung isa du'n, kinuha sa facebook account ko ng kung sino na hindi ko kilala. Walang paalam. At ang mas nakakainis pa, hindi talaga maganda yung kuhang 'yon kasi nga parang napipilitan lang si ate Guy. Pero para mas maintindihan ng mga tao na wala kaming malisya at talagang tuwang-tuwa lang kami na dumalaw si ate Guy, sige Ramon, kunin mo pa ang ibang mga pictures sa facebook account ko at i-publish mo with my permission para makita nila na masaya lang kami sa opisina."
Ilang beses ko tinanong uli si Mr. Abacan kung seryoso siya sa permission na i-publish ang iba pa nilang pictures ng Superstar at ang sagot niya "Oo. Go!"
Kaya heto pa ang ilan lang sa mga kuha ng Superstar sa opisina ni Mr. Jose Mari Abacan ng GMA 7:
the Superstar w/ GMA employees |
...and with another GMA employee... |
...and with yet another employee... |
Note: As a media professional myself who is introducing pop media strategy in the business, I hope this is one 'intrigue' that quickly ends in a positive, win-win note. In the midst of the oft-bitter fought, sadly polarizing 'network war', I'm sure even the top executives GMA 7 agree that the management of TV 5 has truly proven to be a wise and serious player by helping bring back a most essential star that is Nora Aunor, not only for the celebrity status that she brings but more so for that unique gift of connecting, inspiring and hopefully uniting the Filipino people beyond the borders of the islands, dialects and other channels that separate and hinder our growth as a nation.
In our humble view, that could be the genuine Value of an essential Superstar.
No comments:
Post a Comment