Noong panahon na ang MGA ISLA ay bago pa lamang iginuguhit sa mapa ng mundo , may isang dalagang katutubo na nagngangalang AMAYA. Sa piling ng kanyang pamilya at tribu sa KAPATAGAN, namumuhay sila ng tulad ng iba pang pulutong ng mga ITA- nangangaso, nagsasaya, nagsisipag-asawa at sumasamba sa mga ninuno at mga ANITO NG KALIKASAN.
Ngunit ang tradisyunal na pamumuhay sa kapatagan ay biglang nagbago sa pagdating sa Isla ng MGA MAPUPUTING DAYUHAN. Taglay ang kapangyarihan ng APOY at BAKAL, madali nilang nagapi at nasakop ang marami sa mga tribu sa kapatagan. Ang iba naman ay kusa nang sumuko sa mga dayuhan dahil sa takot at maling akala ukol sa tunay na kalagayan ng mga 'DAYUHANG PUTI.'
Kabilang sa mga sumuko dahil sa maling akala ay si APO LUMUHOD, pinuno ng isang tribu at ama ni Amaya. Ayon kay BULAGON, ang BABAYLAN at kapatid ni Lumuhod, nakita niya sa PANAGINIP na ang mga 'mapuputing tao' ay 'mga anito' na nakatakdang magdala ng SALOT sa mga tribung nagpabaya na sa pag-aalay sa kanila. “Kailangan natin silang sambahin dahil hindi magtatagal at ilalantad na nila sa lahat ang kanilang paghihiganti. Ang hindi sumamba sa mga anitong puti ay tiyak na ang KAMATAYAN!”
Ang payong ito ni Bulagon ay hindi pinaniniwalaan ni Amaya subalit dahil sa kanyang kabataan at pagiging babae, hindi siya pinakinggan ng kanyang amang Apo.
Sa mga unang araw ng pananakop, ang malalagim na pahayag ni Babay Bulagon ay tila isang malaking kabalbalan. Sa pangunguna ni PADRE DAMIAN, ang prayle na kasama ng mga dayuhan, naging maamo at matulungin ang mga mapuputing dayuhan sa mga katutubo. Tinuturuan nila ang mga tribu ng mga bagong pamamaraan ng pagtatanim, pananamit, pagpapatibay ng kanilang mga kubo at maging ng pagluluto ng mga pagkain na labis na ikinatuwa ng mga katutubo. Ngunit ang lalong ikinamangha ng mga Ita ay ang tila-mahika na paraan ng pagpapagaling ng mga dayuhan sa kanilang mga sakit na lalong ikinatibay ng paniniwala ng marami na ang mga taong puti nga ay mga anito nnga na nagkatawang tao lamang!
Sa panig ng mga dayuhan, ang 'mala-diyos' na pagtuturing sa kanila ng mga katutubo ay nakatutuwa at nakatatawa sa umpisa. Pero sa paglipas ng mga araw, ang marami sa mga dayuhan, mga ordinaryong tao sa kanilang bansang pinanggalingan, ay madaling nasanay hanggang tuluyang 'nalasing' sa 'paglilingkod ng mga 'taong itim.'
Ang 'pinapanginoon' ay tuluyan na ngang 'namanginoon.'
Nakita ni Padre Damian ang 'pagkalasing' na ito at bilang isang tapat na prayle, agad siyang kumilos upang ituwid ang isang pagkakamali na kung hindi maaagapan ay ikapahahamak nilang lahat. Isang araw sa kanyang pagmi-MISA, tuwirang kinontra ng prayle ang maling paniniwala ng mga katutubo ukol sa kanila at sa mga anito.
Nang marinig ito, magkahalong lungkot, takot at tuwa ang naramdaman ni Amaya. Tuwa dahil napatunayang tama ang kanyang hinala na ‘mga ordinaryong tao lamang’ ang mga dayuhan at nagkamali ng pagpapayo si Bulagon. Matagal nang pinagdududahan ni Amaya ang katapatan ni Bulagon sa kanyang ama.
Subalit labis din ang lungkot at takot ni Amaya dahil kitang-kita niya ang pagkabigo ng kanyang ama na pangunahan ang tribu. At mula nang umamin ang prayle na hindi sila mga anito, marami na sa mga katutubo ang sinisisi ang kaduwagan ni Apo Lumuhod at lihim na nagtatangka na siya’y patayin upang magkaroon sila ng bagong pinuno. At ang nangunguna sa lihim na kilusang ito ay mismong si Babay Bulagon na punu’t-dulo ng kanilang pagkaalipin!
Sa gitna ng nag-aambang panganib na ito sa buhay ng kanyang ama, lihim na nagsanay si Amaya sa kagubatan upang maging mahusay na mandirigma.
Samantala nakuha na ni Padre Damian ang tiwala ni Amaya at mas naging bukas ang dalaga sa pakikinig sa mga itinuturo ng prayle.
Isang araw, pagkatapos ng misa, lihim na kinausap ni Amaya si Padre Damian. May tanong na gumugulo sa kanyang isip. "Kung hindi kayo tunay na mga anito, at hindi rin ang aming mga anito, sino ang tunay na anito na dapat naming sambahin?"
Natuwa si Padre Damian sa tanong ni Amaya. "Halika, samahan mo ako sa kubo kung saan ako nagmimisa. Ipakikilala kita sa TUNAY NA ANITO", sagot ng prayle.
Sa loob ng kubo, itinuro ni Padre Damian kay Amaya ang KRUS NA MAY LALAKING NAKAPAKO. “Ang lalaking nakapako sa krus ay hindi lamang isang anito. Siya ang ANAK. Ang Ikalawang Persona ng Diyos. Siya ang Diyos na Nagkatawang-tao…” Panimula na ito ng pagpapakilala ng prayle sa batang Ita ng tungkol sa dala niyang ‘pananampalataya sa krus.’
Naantig ang inosenteng puso ni Amaya sa mga ibinahagi sa kanya ni Padre Damian. “Taong-Diyos na nakapako sa Krus?” Ngayon lang niya narinig ang ganitong aral. Walang anito na magsasakripisyo para sa mga tao nang tulad ng sakripisyong ginawa ng ‘lalaking nakapako sa krus.’ Ang totoo, karamihan sa mga anito ay malulupit- nananakit, nagpapadala ng sakit, kamalasan, pumipinsala ng pananim, nagpaparusa at pumapatay. Ibang-iba ang Diyos ni Padre Damian sa mga anito Bulagon, naisip ni Amaya.
Di naglaon, nagpasya ang dalaga na magpabinyag sa ilog, itakwil nang lubusan ang mga anito ni Bulagon at yakapin ang bagong pananampalataya na dala ng prayle.
Samantala, hindi natapos sa sermon sa misa ang 'paglilinis' na pinasimulan na Padre Damian para sa mga katutubo. Sa tulong ng Heneral, tuluyang ipinagbawal na rin ang anomang ritwal na may kinalaman sa pagsamba ng mga Ita sa mga anito ng kalikasan at sa mga espiritu ng kanilang mga ninuno dahil, ayon kay Padre Damian, ang mga gawaing iyon ay katumbas na rin ng paglilingkod sa mga demonyo. Umabot ang sukdulan ng lahat nang ipasunog ang lahat ng gamit at rebulto na may kinalaman sa pagsamba ng mga anito.
Bunga ng pagkasunog ng mga gusali at rebulto ng mga anito, ang karamihan sa mga katutubo nagpabinyag sa rin sa relihiyon ni Padre Damian. Para sa prayle, katunayan lamang ito na pinapatnubayan ng langit sa kanilang misyon na 'sagipin sa kadiliman ang mga katutubo.' Dahil sa tagumpay na ito, hiniling ni Padre Damian sa heneral na magpatayo na ng mas malaking gusali- isang simbahang yari sa bato at bakal- upang doon na isagawa ang 'banal na misa.'
Samantala, dahil din sa panununog sa mga tribu, lalong ipinag-giitan ni Babay Bulagon na dapat nang alisin sa pagkapinuno si Apo Lumuhod. Pinag-initan din niya si Amaya. “Ang pagtatakwil sa mga anito ay kasalanang walang kapatawaran!”, sigaw ni Bulagon.
Nahati ang tribu. Bagaman lumalaki ang bilang ng mga taga-suporta ni Bulagon, mayroon pa rin namang nananatiling tapat kay Apo Lumuhod. Alam ng mga tapat sa Apo na si Bulago ang may pinakamalaking kasalanan sa tribu. Subalit kailangan pa rin ipakita ni Lumuhod na kaya niyang magpasya bilang pinuno. Masakit man sa kanyang kalooban, ipinakulong ni Apo Lumuhod si Amaya at mananatili roon hangga’t hindi binabawi ng kanyang anak ang pagtatakwil sa mga anito.
Habang nagaganap ang lahat ng ito, ipinarating naman ng Heneral sa HARI NG ESPANYA ang kahilingan ng prayle at paglipas ng ilang buwan ay nakatanggap na sila ng sagot sa pamamagitan ng isang bagong batas na nilagdaan ng hari.
“Ang lahat ng kalalakihan, edad 16 hanggang 60 ay inuutusan ng Hari na maglaan ng lakas at panahon upang tumulong sa pagpapatayo ng mga gusali, lalo na ng mga simbahan sa buong kapuluan. Sila ay tatawaging mga ‘POLISTA.’”
Tuwang-tuwa si Padre Damian sa kautusang ito dahil mapabibilis ang pagtatayo ng simbahan para sa mga katutubo. Subalit nabahala ang Heneral dahil ayon din sa kautusan, kailangang bayaran ang lahat ng mga katutubo na magbibigay serbisyo.
Agad pinuntahan ni Padre Damian ang mga nasasakupang tribu at ipinarating sa mga kalalakihan ang kautusan ng hari. Madaling nakumbinsi ng prayle ang karamihan na mag-alay ng serbisyo kapalit ng “di matatawarang kabanalan at sapat na kabayaran” para sa kanilang paglilingkod sa pagpapatayo ng simbahan.
Sa dikta ni Bulagon, dinamitan si Amaya ng tulad ng sa lalaki at isinama sa iba pang mga lalaking kriminal sa tribu at sila ang ibinigay sa mga kamay ni Padre Damian upang magsilbing mga polista.
Napakahirap ang mga gawain na sinuong ni Amaya bilang polista; nagbubuhat ng malalaking kahoy, nag-aangat ng malalaking bato, humahawak ng mabibigat na bakal. Sa gitna ng matalas na init ng araw at maging sa madilim at malamig na gabi, nagtrabaho nang higit pa sa mga kalabaw ang mga katutubo. Subalit ang higit na masaklap, sa lahat ng pisikal na paghihirap na ito ay KALUPITAN, KAAPIHAN at PANGLALAIT pa ang isinukli ng mga dayuhang namamahala sa pagtatayo ng simbahan. Maging ang bayad na ipinangako sa mga katutubo ay HINDI IBINIGAY ng tanggapan ng Heneral.
Dahil sa mapait na karanasang ito, lalong nagngitngit ang mga katutubo at lihim na nagpasyang babalik na lamang sa pagsamba sa mga anito kapag nakatakas na sila o natapos na ang kanilang serbisyo bilang mga polista. Pilit naman na ipinagtatanggol ni Amaya ang simbahan sa pagsasabing hindi alam ni Padre Damian ang mga pagmamalupit na ito dahil ang prayle ay nasa malayong dako at abala sa pagmimisyoneryo. Naniniwala si Amaya na kung makararating kay Padre Damian ang tunay nilang kalagayan ay mababago ang lahat.
Subalit lumipas ang mga araw ay wala pa rin si Padre Damian hanggang isang gabi, isang malagim na pangyayari ang mararanasan ni Amaya. Isa sa mga SUNDALO ang nakaalam ng LIHIM NI AMAYA at pinagtangkaan siyang dahasin! Nanlaban at naghuhumiyaw si Amaya subalit hindi sapat ang kanyang lakas bilang babae sa malademonyong pagnanasa sa kanya ng dayuhan. Akala ni Amaya ay iyon na ang kanyang wakas.
Nang biglang NAGLIWANAG ang buong kapaligiran at walang anu-ano’y nakita niya ang isang ANGHEL na may hawak na isang espada at sa pamamagitan ng liwanag na nagmumula rito ay BINULAG ang sundalo.
Takot na takot ang banyaga sa nangyari sa kanya at nagtatakbo sa gubat. Magpapasalamat sana si Amaya sa Anghel subalit hindi na siya nito hinayaang magsalita. Sa halip, nag-iwan ang anghel ng isang maikling mensahe. “Maging matatag ka Amaya at iingatan ka ng Langit.”
Pagkasabi nito ay tuluyang naglaho ang anghel.
Naligtas sa Amaya nang gabing iyon subalit kinabukasan, ang lahat ng mga polista ay PINARUSAHAN ng Heneral ng isang daang hagupit! Pinagbintangan sila ng heneral na nagsasagawa pa rin ng pagsamba sa mga demonyo kaya’t ang isa sa kanyang mga sundalo ay nabaliw. Ang “baliw” na sundalo rin na ito ang naglantad ng lihim ni Amaya- na siya ay isang babae at hindi dapat kasama sa pagsisilbi bilang polista.
Dahil sa 'kasalanang' ito, dapat sana ay kasama rin si Amaya na hahagupitin subalit biglang dumating si Padre Damian at siya’y muling iniligtas.
Ipinabalik ng heneral si Amaya sa kanyang tribu, kasama ang mahigpit na bilin na kukuha ng kapalit niya mula sa kanyang pamilya.
Subalit pagdating ng mga sundalo sa tribu ni Amaya, isang nagngangalit na Lumuhod ang sumalubong sa kanila. Kasama ang buong pwersa ng mga katutubo na nanatili sa tribu, hindi na nakaligtas ang mga sundalong naghatid kay Amaya.
Dumanak ang dugo at walang pagdadalawang-isip na PINUGUTAN NG ULO ang mga sundalong naghatid kay Amaya.
Subalit hindi rito natapos ang pag-aalsa ng mga katutubo. Dinala ng tribu ang mga ulo ng mga sundalo sa mismong dako ng ipinatatayong simbahan at buong lakas at buong galit na nilusob ang mga bantay na naroon. Gulat ay hindi handa, natalo sa unang pagkakataon ang mga dayuhan ng mga katutubong Ita. Ang mga nalabing mga sundalo, kabilang si Padre Damian, ay agad tumakas nang makita nila na hindi sila patatawaran ng mga katutubo.
Naiwan ng mga dayuhan ang mga kagamitan, pagkain, damit, sandata at mga kayamanan, kabilang ang mga rebultong imahen na nagagayakan ng mamahaling bato na ilalagak sana sa ipinatatayong simbahan.
Ang lahat ng kayamanang ito ay nilimas ng mga katutubo sa pangunguna ni Lumuhod. Bumalik ang mga katutubo sa tribu at itinanghal na bayani ang ama ni Amaya.
Sa gitna ng kasiyahan, naguguluhan at nagdadalamhati si Amaya. Labis-labis ang karahasan at poot na nasaksihan niya sa loob lamang ng napakaikling panahon. Hinikayat si Amaya ni Lumuhod na itakwil na ang pananampalataya ng mga dayuhan at bumalik na sa pagsamba sa mga anito. Subalit nang makita ni Amaya na isinusuot ng mga katutubo ang mga kagamitan ng mga imahen ng mga dayuhan sa rebulto ng mga anito, lalo lamang siyang naguluhan. “Mali ang lahat ng ito!”, sigaw ni Amaya.
Dahil sa pagtutol niyang magbalik sa pagsamba sa mga anito, nagbababa ng isang desisyon ang kanyang ama bilang babaylan ng tribu. Itatakwil sa tribu si Amaya at tutugisin! Kung makatatakbo siya ng mabilis at makatatakas sa mga sibat ng mga kalalakihan sa tribu, siya’y mabubuhay. Subalit kung siya’y masusukol, ituturing siyang baboy-damo na talim ng sibat ang naghihintay!
Pagputok ng araw, PINATAKBO si Amaya sa kagubatan at NAGSIMULA ANG PAGTUGIS SA KANYA. Subalit hindi pa nagtatagal ang pagtutugis nang LUMUSOB naman ang mga dayuhan- mas marami at may dalang mas malalaking sandata!
Ang pagtugis kay Amaya ay nauwi sa magulo, maingay, madugo at malupit na pagbabaka ng dalawang lahi at dalawang pananampalataya!
Sa gitna ng kaguluhan, hinanap ng INA NI AMAYA ang anak sa bundok samantalang naiwan si Lumuhod at ang kanyang ANAK NA LALAKI na nakikipaglaban sa mga dayuhan.
Nang makita ng ina ang dalaga, agad siyang hinawakan sa kamay at kinaladkad. Itatakas siya ng kanyang ina habang ang lahat ay nagkakagulo. Akala ni Amaya ay maliligtas sila subalit paglingon niya, nakita niya ang dalawang tumutugis sa kanila- isang sundalong banyaga at isang katutubo!
Inihagis ng katutubo ang sibat. Pinaputok ng banyaga ang bakal na nagbubuga ng apoy. Nakita ito ni Amaya at mabilis ang kanyang desisyon- itinulak niya ang kanyang ina at buong tapang na sinalubong ang bala at ang sibat! “Panginoon ko, tulungan mo kami!”, sigaw ni Amaya.Pagdilat ng mga mata ni Amaya, tahimik na ang lahat at ang maamong mukha ng isang ANGHEL ang kanyang tanging nakita. Itinayo siya ng anghel at sinabing oras na upang marating niya ang Kaharian ng Panginoon.
Pagtingal ni Amaya sa langit, nasilaw siya sa liwanag subalit nabanaagan pa rin niya ang tila isang pinto na nagbukas. Doon daw sila pupunta, sabi ng anghel. Pagdating sa dulo ng bundok, unti-unting umangat ang anghel at si Amaya. Lumulutang sila sa hangin patungo sa pintuan sa mga ulap. Bumulong sa kanya ang anghel- “Huwag kang titingin sa ibaba.” Tumango si Amaya subalit ilang sandali pa, nakita niyang tinatangay din ng hangin ang isang manipis na tela- ang isang bahagi ng saplot ng kanyang ina!
Dito mabilis na nagbalik sa alaala ni Amaya ang kaguluhan, ang karahasan, ang kalupitan, ang pagdanak ng dugo, ang kawalan ng katarungan at kalayaan, ang kaapihan ng kanyang lahi!“Ayoko! Babalik ako sa aking tribu! Ililigtas ko ang aking ina! Si ama! Ang kapatid ko!” Nagpumiglas si Amaya subalit mahigpit na tumutol ang anghel. “Pagdating sa langit, makalilimutan mo na silang lahat!” “Ayoko! Ayoko silang kalimutan! Ayoko silang pabayaan! Hindi ko sila iiwan!”
Naglaban ang anghel at si Amaya hanggang NAAGAW ng dalaga ang ESPADA ng anghel at sa isang hampas nito ay NAPUTOL ni Amaya ang isa sa mga PAKPAK ng anghel. Bumagsak sa lupa ang anghel samantalang maingat na ibinaba ng espada si Amaya.
“Aakyat lamang ako sa langit kapag nakita ko nang may kapayapaan at katarungan sa lupa para sa aking lahi.” “Kung gayon, Amaya, mananatili ka rito sa lupa hanggang ito’y wakasan na ng Lumikha.”
Nakita ni Amaya ang kanyang patay na katawan at upang ito’y muling mabuhay, ITINARAK ni Amaya ang espada sa kanyang dibdib. Muling nabuhay si Amaya, ang dalagang Ita, ngunit ngayon ay taglay na ang kapangyarihan ng Espada ng Anghel, na natatago sa kanyang puso.At habang naiingatan ni Amaya ang espada at hindi ito naaagaw muli ng Anghel sa kanya, walang magagawa ang Angel kundi sumunod sa lahat ng utos ng dalagang Ita. At sa tuwing huhugutin ni Amaya ang Espada mula sa kanyang dibdib, at isisigaw ang mga katagang “ANGHELA POLISTA” ay magsasanib silang dalawa- ang anghel ng langit at ang ita ng lupa- at sila’y magiging isa – handang harapin at sugpuin ang kampon ng kasamaan at kadiliman--- tungo sa ikapagtatamo ng kapayapaan at katarungan sa buong bayan!
Ito ang pasimula ng pakikipagsapalaran ni “ANGHELA POLISTA.”
-wakas ng simula-